By Pepito Dizon
Bukas, sa pagsikat ng haring araw, dala nito ang hudyat ng bagong panimulain upang tahakin ng bawat nilalang ang buhay na malayo sa masalimuot na karanasan ng kahapon. Bukas ay sisikat ang araw ng mas maningning at mas maaliwalas. Bukas din ay magliliyab ang init ng araw upang wakasan ang gabing tila baga’y isang malupit na bangungot. At bukas na bukas din ay mag-uumpisa na ang bagong kabanata ng buhay nating hiniram sa Maykapal.
Ang buhay, gaya ng gasgas na paglalarawan, ay parang gulong na paikut-ikot lamang. Minsan ay nasa ibabaw ang isang bahagi at minsan nama’y nasa ilalim ito. Tayo, bilang mga instrumento sa mundong ito, ay mga nilalang na isinilang kakambal ang kaligayahan at pighati sa buhay.
Mahirap mang isipin at tanggapin, ang buhay ng isang taong sakdal sa sumpa ng kahirapan ay isang pangyayari na tila iginuhit na sa ating mga palad at nakasaad na sa ating tadhana.
Mahirap maging mahirap. Napakapayak, ngunit ito’y isang lantaran at makatotohanang paglalarawan sa buhay ng mga taong isang kahig, isang tuka. Sila ang mga walang maisuksok sa sikmura sa oras ng pagkirot, paghapdi, at pagkagutom. Tanging ang mga sira-sirang karton at punit-punit na diyaryo ang nagsisilbing unan at kumot. Ang ilalim ng overpass o sahig ng underpass ang nagsisilbing kanilang malawak na palasyo. Hindi ba’t ito ang kayamanang minana ng ating mga kapatid na kailanman ay hindi tinawag sa kanilang pangalan bagkus ay sa tagos sa pusong bansag sa kanila na “dukha?”
Kasabay pa ng kirot ng katotohanang sila nga ay mahirap ay ang mapaghasik at matatalim na salita ng sanlibutang mapanlait. Tanggap nga nila na sila’y mahirap, walang makain di gaya ng mga nakaluluwag sa bulsa, at walang pera at tila mga basurang inililipad ng hangin sa abalang kalsada ng lipunan. Ganito na nga ang kanilang kalagayan ay tila nalatayan pa sila ng bagong sugat na higit na nagpapasakit sa kanilang nadarama. Walang taong maykaya o mayaman ang lumambot ang puso upang sila nama’y mabahaginan. Abutan man ng barya sa kumakalansing na lata ay kaakibat nito ang pasaring na kasalanan nila kung bakit sila naghihirap.
Ang buhay taong dukha ay isang buhay na isiniwalat sa mapaglarong mundo. Hindi man nila ito sapilitang ginusto ay tila tadhana na ang humusga at wala silang sapat na sandata upang labanan ito. Gayunpaman, ang buhay ay isang gulong -- bilog at patuloy na umiikot; minsan nasa ibabaw, at minsa’y nasa ilalim, kadikit ng lupa. Hindi magtatagal at magbabago ang ihip ng hangin at buburahin ang yugtong ito ng kanilang buhay. Bukas ay sisikat ang araw mula sa likod ng mga kabundukan na dala ang bagong panimulain. Walang makapagsasabi kung ang mayaman ngayon ay mananatili pa ring mayaman bukas, o kung ang mahirap ay patuloy pa ring maghihikahos.
Isa lamang ang tiyak: bukas ay may bagong pag-asa para sa mahihirap.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
nice one pepe. you're so great!
Post a Comment