By Karen Aujero
Sino nga ba sa atin ang hindi pa nakararanas ng mga pagsubok sa buhay? Gaya nga ng lagi nilang sinasabi, walang halaga o saysay ang buhay kung walang pagsubok. Ngunit minsan ba’y naranasan mo nang manghina at mawalan ng loob dahil sa tindi ng pagsubok na dinaranas mo sa buhay? Naranasan mo na bang limutin ang Dakilang Lumikha dahil sa paniniwalang iniwan ka na Niya?
Oo ang tugon ko sa mga katanungang iyan.
Ang mga pagsubok ay hindi talaga natin inaasahan, ito’y kusang dumarating. Ngunit, sa mga ganitong pagkakataon, ako’y nagpapakatatag at patuloy na kumakapit sa Kanya. Kinakausap ko Siya sa pamamagitan ng aking panalangin dahil alam kong Siya lamang ang makatutulong sa akin higit kaninuman, upang malutas ang lahat ng aking mga dinadalang suliranin.
Nakalulungkot nga lang isipin na lubhang napakahirap ng mga pagsubok na ating dinaranas sa ilang pagkakataon. Tila napakabigat ng mga ito at wala naman tayong ibang alam na solusyon kundi ang umiyak. Minsa’y naiisip natin na tila mas makabubuti pa kung wakasan na lamang natin ang ating buhay upang hindi na kailanman makaranas pa ng mga ganitong pagsubok.
Mga pagsubok din ang nag-uudyok sa atin upang makagawa ng hindi tama. Minsa’y sa sobrang dami ng mga pagsubok, nagiging makasarili na tayo. Hindi na natin naiisip ang damdamin ng iba at nakapagpapasya tayo nang hindi pinag-iisipan. Nagiging desperado na tayo. Ang akala natin, wala na tayong matatakbuhan.
Pagsubok ang humuhubog sa atin upang patuloy na lumaban at nagpapatibay sa ating damdamin. Dapat nating ipagpasalamat ang mga pagsubok. Magpasalamat tayo dahil binibigyan tayo ng Panginoon ng mga pagsubok. Nangangahulugan lamang na malaki ang tiwala Niya na magagawa nating lampasan ang bawat bagyong ibato sa atin. Huwag tayong bibitaw. Patuloy lamang tayong kumapit sa Kanya.
No comments:
Post a Comment