By Beatriz Uy
Maraming mga kabataan ang higit na malapit ang loob sa kanilang mga lolo o lola kung ikukumpara sa kanilang mga magulang. Kadalasan, sila yung mga lumaki at nagkaisip sa puder ng mga ito. Tulad na lamang ni Joyce, na sanggol pa lamang ay naging ulila na magmula nang masawi ang kanyang mga magulang sa malagim na aksidente. Ang kanyang lolo ang tumayo bilang ama’t ina niya.
Nang magdalaga si Joyce ay nakasanayan na niyang gumising ng maaga. Siya ang nagluluto ng agahan at nagwawalis ng kanilang bakuran. Pagkatapos ng mga gawaing-bahay ay tutungo siya sa bayan upang kumita ng ipambibili ng gamot ng kanyang sakiting lolo. Iba’t ibang trabaho na rin ang nasubukan niya.
Nagsusumikap si Joyce dahil mahal niya ang kanyang lolo. Hindi lingid sa kanyang kaalaman na mahina na ito at kailangan nang mamahinga. Matagal na itong kumikilos para sa kanila. Para kay Joyce, panahon na upang tumanaw ng utang na loob sa taong pinagkakautangan niya ng buhay. Nais niyang masuklian ang mga isinakripisyo nito para sa kanya -- mula sa pag-aaruga sa kanya mula pagkabata, sa pagpapaaral sa kanya hanggang hayskul, at hanggang sa paghahanap ng ikabubuhay nila upang may makain sa araw-araw.
Hayskul lamang ang natapos ni Joyce kaya naman naging mahirap para sa kanya ang makahanap ng trabaho. Sa ngayon, nagtitinda siya ng mga damit sa bayan at nag-aalaga ng bunsong anak ni Aling Betty, isang mayamang taga-bayan.
Sapat naman sana ang kinikita ni Joyce para sa pagkain nila ng kanyang lolo subalit magmula nang magkasakit ito, kinailangan na niyang dumoble ng kayod.
Tuwing umuuwi siya ay bakas ang pagod sa kanyang mukha at minsan ay hindi niya namamalayan na napag-susungitan na niya ang kanyang lolo.
“Kumusta ang trabaho mo? Nagpagod ka na naman, ‘no? Hinay-hinay lang sa pagtatrabaho, apo,” sabi ni Lolo Simeon.
“Aba’y, natural, pagod! Lo, pwede bang huwag mo muna akong kulitin, napapagod ho ako eh,” sagot ni Joyce.
Nang minsa’y napayuhan siya ng kanyang lolo ukol sa mga gastusin, napagsasalitaan niya ito ng masama: “Ako itong kumakayod, Lolo. Bakit kailangang kayo ang magsabi kung papaano ko gagastusin ang kinikita ko?”
Makailang ulit pa nilang napagdiskusyunan ang bagay na iyon. “Apo, huwag mo naman sanang masamain ang mga sinasabi ko. Iminumungkahi ko lang naman na…” ni hindi pinatapos ni Joyce sa pagsasalita ang kanyang lolo. “Pwede ho bang huwag n’yo nang sabihin kung ano’ng dapat kong gawin sa pera? Ako naman ang kumikita sa atin, ah. At bakit, sa gamot lang ba dapat mapunta ito? May mga pangangailangan din ho ako,” sambit niya.
Noong gabing iyon, masyadong dinibdib ni Lolo Simeon ang mga salitang nabitiwan ng apo. Unti-unting nagsikip ang hininga nito, dahilan upang tuluyan nang atakihin ang matanda. Dali-dali itong sinugod sa ospital ngunit hindi tinanggap dahil sa kakulangan ng pera.
Tila biglang natauhan si Joyce dahil sa nangyari. “Pera ba? Mas mahalaga ba talaga yan kaysa sa buhay ng lolo ko? Hindi ba’t tungkulin ninyong mga doktor na manggamot? Wala ba kayong puso?” maluha-luhang bulalas niya.
Natanggap man ang lolo ni Joyce sa ospital kinalaunan, hindi naman ito nabigyan ng sapat na atensyon. Hindi rin nagtagal at namatay rin ang matanda. Ngayon ay nagsisisi si Joyce sa masamang ugaling ipinakita niya sa kanyang lolo.
“Lo, patawad po. Mahal na mahal ko po kayo. Hindi man po ninyo ito narinig sa akin nang tahasan noong nabubuhay pa kayo, at bagama’t huli na ang lahat, nais ko pa rin pong sabihin ito sa inyo. Mahal ko po kayo, Lolo Simeon,” wika niya habang umiiyak sa ibabaw ng puntod ng kanyang lolo na tumayong kaibigan, magulang, at gabay niya noong nabubuhay pa ito.
No comments:
Post a Comment