By Pepito Dizon
“Mahirap sisihin ang nakaraan. Mahirap manumbat nang hindi mo alam ang katotohanan. Masakit mang tanggapin ay kailangan ko nang magpaalam sa buhay na aking nakagisnan.”
Pinalaki ang batang si Pekto na malayo sa karimlan ng kahirapan. Hindi man mayaman ang kanyang mga magulang na sina Tatay Isko at Nanay Lukring ay sinikap nilang maibigay ang buhay na kailanman ay hindi nila nalasap sa kanilang kamusmusan. Magagarang damit, masasarap na pagkain, at mga usong laruan -- lahat ito ay minsang makamtan ni Pekto.
Pilyo at masayahin ang batang si Pekto. Siya’y makulit at laki sa layaw dahil na rin sa magaang kamay ng kanyang mga itinuturing na magulang. Hindi niya kailanman natikman ang hagupit ng sinturon, ang malalapad na palad, ni ang mga patpat. Malaya niyang nagagawa ang mga bagay na nais niya. Nakakapaglaro siya buong araw nang walang tigil. Nakakapunta siya sa malalayong lugar nang walang paalam.
Lumipas ang panahon, naging ganap na binata na si Pekto. Inaasahan mang makakapagtapos siya ng pag-aaral ay tila mailap na pangarap na lamang ito para sa kanyang mga magulang. Nagbulakbol at napariwara si Pekto hindi dahil sa kamalian ng kanyang mga magulang sa pagpapalaki sa kanya kundi bagkus ay sa tigas ng ulo na kanyang angkin.
Hindi naglaon at naging pariwara ang binata. Nalulong siya bisyo at ipinagbabawal na gamot. Natutuhan niyang manghablot at magnakaw kasama ang kanyang barkada. Masaya siya sa ganitong buhay. Tila nga raw nasa heaven ang pakiramdam, ayon pa sa kanya. “Hindi ko kailangan ang eskwelahan. Mas marami akong nakukuha sa mga ginagawa ko!” wika ni Pekto.
“Anak, ang buhay na mayroon ka ngayon ay hindi magtatagal. Maaari kang makulong. Maaaring masira ang buo mong pagkatao. Itigil mo na iyan,” pagmamakaawa ng kanyang nanay sa kanya.
“Lintik na buhay ‘to, ginusto ko ‘to! Wala kayong pakialam sa kahahantungan ko,” sumbat niya.
Nasuntok siya ng kanyang Tatay Isko dahil sa kabastusan, “Hindi ka namin pinalaki upang bastusin kami. Wala kang modo! Kung isa ka lamang palang ahas na manunuklaw matapos pakainin at alagaan, sana noon pa…”
“Ano?” sabat ni Pekto. “Sana noon pa… ano?”
Napuno ng galit ang bahay na dati ay panay mga silid ng kasiyahan. Ngayon, ito ay lugar na ng pagtatalo at ingay. “Huwag mo akong pilitin,” sabi ni Tatay Isko.
Gayunpaman, hindi nagpatalo si Pekto. “Ano nga iyon, Tay? Aminin mo na! Aminin mo!”
“Anak, parang awa mo na, tumigil ka na,” namagitan na sii Nanay Lukring.
Subalit mabilis ang mga pangyayari at nabitawan rin ni Tatay Isko ang hindi inaasahan, “Sana noon pa ay hindi ka na lang naming inampon!”
Sabi ko na nga ba,” pahayag ni Pekto na may halong poot. Matapos iyon ay lumayas siya sa bahay dahil sa mga hindi inaasahang rebelasyon.
Kinabukasan, nang-holdap ng dyip ang barkada ni Pekto. Sa kasamaang palad, may pulis na sakay ang naturang sasakyan kaya’t tanging kabiguan ang kanilang natamo. Nahuli siya kasama ng mga kaibigan at nang lumaon ay nakulong.
Walang nalalaman ang mga magulang niya sa nangyari dahil na rin sa kanyang ginawang paglalayas. Isa na ngayon siyang bilanggo sa madilim at siksikang kulungan. Pighati, galit, at lungkot ang kanyang naramdaman sa gitna ng karimlan.
“Isa akong ampon at bilanggo ng sarili kong kalapastanganan. Walang mga magulang at hindi alam kung sino ang tunay na ama at ina. Ito na rin siguro ang kapalit ng mga nagawa ko. At kung ito na nga talaga ang katotohanan ng buhay ay nais ko nang magpaalam sa kasinungalingang itinuring kong realidad,” wika ni Pekto bago siya abutan ng antok sa kanyang selda.
Ang buhay na pilit ibinigay sa kanya ng mga magulang na nagmamalasakit ay isa na ngayong alikabok sa alapaap. Malayo na sa tunay nangyayari, at nakakulong na sa apat na kanto ng kulungan na tinanggap niya bilang niyang bagong mundo at bagong buhay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment