Made in China

By Sonny Crestfort Lim

Hindi alam nina Mama na isinangla ko ang aking relo para maipagawa ko ang aking nasirang typewriter. Kaunti na lang at matatapos ko na ang aking kuwento. Mahirap ding magsulat dahil hindi butil ng pawis ang tatagiktik pababa sa iyong leeg, kundi mga butil ng dugo.

Kabubuhos lang ng ulan kani-kanina at ngayo’y ambon na lang ang pumapatak. Agad kong dinala ang aking makinilya sa isang pagawaan malapit sa Divisoria. Tinignan ng lalaki ang ilalim nito.

“Tol, made in China.”

“Ano namang koneksiyon no’n sa pagkasira?”

“Madaling masira kapag galing Tsina.”

“Kaya ko nga dinala para ipagawa.”

Lumabas muna ako saglit upang manigarlyo at mangalap ng ideya sa labas. Made in China? Halos lahat na yata ng gamit ng mga Pilipino ay gawang Tsina. Mula plato, hanggang sa pamunas ng puwit, karamihan ay gawa sa Tsina. Kasisindi ko lang ng sigarilyo nang may biglang bumulaga sa aking harapan.

“Pa-u-tang, li-ma pi-so.”

Napaubo ako nang malunok ko ang usok ng sigarilyo dahil sa pagkagulat.

“Pautang? Sino ka ba?”

Nakayuko lamang siya. Tinanong ko siya muli ngunit tila iyon lang ang alam niyang salita. Tinignan ko siyang mabuti. Maputi, singkit ang mata, at mahaba at itim na itim ang pinong buhok. Nakatingin lamang siya sa sahig.

“Miss, Chinese ka ba?” tanong ko sa kanya.

“Pa-u-tang, li-ma pi-so.” Inulit niya lang ang sinabi kanina.

Nagulat ako nang umiyak siya sa harapan ko kaya’t binigyan ko siya ng beinte pesos pero ibinalik din niya sa akin. Hindi ko mawari kung ano talaga ang kanyang gusto.

“Li-ma pi-so.”

“Limang pisong buo ba ang gusto mo?”

“Wo hui-pe. Li-ma.” Hindi ata siya marunong mag-Tagalog.

Kumatok sa bintana ng shop ang may-ari upang matawag ang aking pansin.

“‘Tol, ipapakita ko sayo ang sira ng makinilya.”

Muli akong lumingon sa babae ngunit pawang mga gusali’t mga sasakyan na lamang ang aking nakita. Umalis na ang babaeng kanina’y kaharap ko. Tinitigan ko na lamang ang limang pisong barya sa aking palad at ito’y aking ibinulsa.

“‘Tol, yung typewriter mo kinalawang sa loob.”

“Tsk tsk tsk… dati kasi, natapunan ko ata ng kape nu’ng minsang nagsusulat ako.”

“Bumili ka na lang ng bago.”

Ipinaiwan ko muna sa kanya ang aking typewriter at tinanong ko siya kung pwede munang umarkila ng maayos na makinilya sa kanya. Malas ko lang at hindi pwede kaya’t nakipag-ayos na lang ako na doon ko na lamang mismo sa kanyang shop ita-type ang natitirang kalahati ng aking kuwento.

“Pero limang piso ang bawat pindot ng letra sa typewriter ko.”

“Ulol,” sambit ko. At sabay kaming natawa.

Kinabukasan ay agad ko ring binalikan ang shop dala-dala ang aking mga gamit. Sinubukan kong katukin ang tarangkahan ngunit wala pang tao at sarado pa ito kaya’t naisipan ko munang tumambay sa tapat. Nangangati na ang aking kamay, at nangangapal na rin ang aking kalyo dahil ilang araw na rin akong walang tigil sa pagsusulat.

“Li-ma pi-so. Pa-u-tang.”

Utang na loob. Heto na naman siya’t nasa harapan ko. Hawak niya ang kapirasong papel habang binabasa ang mga sinasabi sa akin.

“Li-ma pi-so.”

Sige na nga, para matahimik lang. Inabot ko sa kanya ang limang piso at dali-dali siyang tumakbong papalayo sa akin. Pinulot ko sa sahig ang papel na hawak niya kanina. Hindi ko ito mabasa dahil panay Intsik ang nakasulat.

Naaninag ko mula sa malayo ang kulay rosas niyang kasuotan kaya’t sinundan ko siya hanggang sa umabot kami sa isang mall. Pumasok siya sa loob at sumunod din ako.

Nadatnan ko siyang naglalaro sa harap ng UFO catcher kung saan kailangan mong hulugan ng barya ang makina at igalaw nang tama ang joystick upang makakuha ng manyika. Pinindot niya ang pulang buton. Sablay siya. Hindi siya nakakuha ng manyika. Maya-maya, pilit niyang inalog ang UFO catcher habang naluluha.

“Phao khiam pieng yiu…” umiiyak siyang mag-isa sa harap ng makina habang hinahampas ito.

Nang mapansin ng guwardya, pilit siyang pinalabas ng arcade at sumisigaw siya sa wikang Intsik. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at lumapit sa guwardyang nagtataboy sa kanya. Kinausap ko ito at sinabing kasama ko ang babae. Binitiwan din siya nang malaman ito. Nilapitan ko ang babae at inabutan na lang ng tissue dahil hindi ko maiabot ang aking panyo na puno ng sipon.

“Kham sia…”

Iyon lang ang alam kong salitang Intsik. Ibig sabihin nito’y nagpapasalamat siya sa akin. Nginitian ko siya at itinuro ang UFO catcher. Kumuha ako ng barya mula sa aking bulsa at sinubukan kong kumuha ng manyika para sa kanya. Ngunit may itinuturo siya sa akin, na para bang iyon ang manyikang dapat kong makuha.

“Hiet teh. Hiet teh,” sambit niya habang itinuturo ang manyika.

“Hiet teh,” sabi ko sa kanya kahit hindi ko naintindihan ang ibig niyang sabihin.

Makailang-ulit din akong naghulog ng limang piso sa makina. Nang maubusan ay kinailangan pa naming magpabarya. Sa ika-pitong ulit namin sa paglalaro ay nakuha rin namin sa wakas ang manyika. Napahiyaw kami sa tuwa. Lumuhod siya at kinuha ang manika sa ibaba ng makina at mahigpit niya itong niyakap.

“Tsin tsue kham sie a hia’n…”

Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko kaya’t nag-imbento na lamang ako ng kung anu-anong kalokohan, “Chong, ching, chong, ching.”

Pagkatapos ay kumain kami ng calamares at gulaman sa kanto sa may labas ng mall. Napapaisip ako kung anong meron sa manyikang yon. Gusto ko sana siyang makausap ngunit hindi ko alam kung papaano. Ginamit niya bilang chopsticks ang mga barbeque stick na panusok sa calamares. Itinuro ko sa kanya na isinasawsaw ito sa suka.

“Ho tsiah!” nakangiti niyang sinabi sa akin. Siguro’y nagustuhan niya ang aming kinakain. Pagkatapos naming inumin ang gulaman ay kinuha niya ang aking baso upang itapon ito sa basurahan.

Pagbalik niya ay lumapit siya sa akin at hinalikan ako sa pisngi. Nagulat ako. Natulala ako. Hindi ko namalayang tumakbo na siya papalayo, kumakaway habang nagpapaalam.

“Bukas magkikita tayo! Babayaran mo pa yung mga utang mo sa akin!” kumaway rin ako sa kanya. Hindi pa rin ako makapaniwala.

“Tzai tzian!” kumaway siya hanggang sa hindi ko na siya maaninag.

Kinabukasan ay binalikan ko ang aking made in China na typewriter. Gusto kong kunin ito sa may-ari ng shop. Ito pa rin ang gusto kong gamitin sa sinusulat kong akda. Kumatok ako ngunit sarado na naman ito gaya kahapon. Umupo ako sa harapan ng shop at inilapag ang isang folder sa sahig upang gawing upuan. Nakayuko ako nang mapansin kong may nakatayo sa harapan ko. Tama ang hinala ko.

“Pieng yiu…”

Nagulat ako dahil may dala-dala siyang mga bagahe. Tumayo ako upang itanong sa kanya kung bakit. May hawak siyang maliit na Chinese-Tagalog dictionary at sinabing kailangan na niyang umalis. Pilipit ang kanyang Tagalog pero pinipilit niya pa rin itong sabihin sa akin. Kinuha niya ang aking kamay at inilagay ang isang papel sa aking palad.

“Tzai tzian. Xie-xie…”

Tumayo ako’t niyakap siya. Sinabi ko sa kanyang mag-iingat siya sa biyahe kahit na alam kong hindi niya maiintindihan ang mga salitang iyon. Mahigpit din ang kanyang yakap at pinilit niyang magsalita ng Tagalog habang hawak ang diksyunaryo. Nagsalita na lamang siya sa Chinese habang lumuluha nang hindi na niya mawari kung ano ang nais niyang sabihin. Kumalas siya sa pagkakayakap at pumara ng taxi. Kumaway siya sa akin habang papalayo hanggang sa hindi ko na siya matanaw.

Bandang tanghali ay nagtungo ako sa isang Chinese restaurant. Kaibigan ni tatay ang may-ari. Naalala ko na bago umalis ang babae ay may ibinigay siyang sulat sa akin na hindi ko naman mabasa dahil panay Intsik ang mga nakasulat. Sinabi ko sa kaibigan ni tatay na o-order ako ng dalawang malaking mangkok ng mami basta’t isalin niya sa Tagalog ang mga nakasaad sa papel. Pumayag naman siya at nagkuwentuhan kami habang hinihintay ang aking inorder. Umupo siya sa harapan ko nang iabot ko ang sulat. Inilapag na sa harapan ko ang dalawang mangkok na mami.

“Babae ba siya?” tanong niya sa akin.

“Mei-leung ang pangalan niya. Heto’t babasahin ko na.” at binasa niya ito sa aking harapan:

Maraming salamat sa pagtulong sa akin. Mahigit isang buwan na rin akong nandito sa Pilipinas. Alam kong nagtataka ka kung ano’ng meron sa manyikang iyon. Noon, dahil sa kawalan ng pera, wala akong nagawa nang magkasakit ang kapatid ko. Kaya’t naisipan kong ibenta lahat ng gamit na alam kong maaari kong maibenta, kasama na rin yung manyika ng kapatid ko. Ngunit nasayang din ang lahat dahil namatay din siya. Naisip ko, kasalanan ko ito dahil ibinenta ko ang pinakamamahal niyang manyika. Pinilit kong bawiin ang manyikang iyon. Nalaman ko na lang na isinama ito sa mga manyikang dadalhin sa Pilipinas. Kinuha ko ang address kung saan ito dinala kaya’t nang maging maayos na ulit ang buhay namin ay pinuntahan ko ito nang mag-isa. Nahirapan pa rin ako sa paghahanap nito sa Pilipinas. Laking gulat ko na lang nang makita ko siya na nakakulong sa isang makina na hinuhulugan ng barya.

Maraming beses kong sinubukang makuha ito. Hanggang sa pinilit kong kausapin ang mga empleyado na babayaran ko na lamang ang manyika basta’t buksan nila ang makina para sa akin ngunit hindi nila ako maintindihan. Minsan, sinubukan ko pa ngang basagin ang salamin pero itinaboy ako ng guwardiya. Nagtrabaho muna ako sa Divisoria ng pansamantala ngunit hindi ko rin kinaya, kaya’t nagpalaboy-laboy akong walang pera. Mahal na mahal ng kapatid ko ang manyikang ito at alam ko sa sarili kong kantangahan ang ibenta ito sa iba.

Nahanap na rin ako ng aking pamilya sa Tsina. Alam kong pagagalitan nila ako dahil tumakas lang ako at mag-isang nagpunta dito. Pero masaya ako’t maisasauli ko na sa aking kapatid ang manyikang ito at tinitiyak ko na matutuwa siya.

Maraming salamat sa limang piso at hayaan mo, pagbalik ko sa Pilipinas ay babayaran kita. Salamat ulit at paalam, aking kaibigan.

- Mei Leung Chiokai


Pigil ang aking luha habang binabasa ito sa aking harapan. Nanginginig ng bahagya ang aking kamay habang hawak ko ang chopsticks. Hanggang sa hindi ko na napigilang mapaluha habang kumakain ng mami. Tinakpan ko ang aking mga mata. Bakit nga ba ako naluluha? Hindi naman siguro malaking kawalan ang limang pisong barya, pero sa ikli ng pinagsamahan namin ay naging espesyal na siya sa akin lalo pa nang malaman ko na ang tunay niyang kuwento.

“May iniwan siyang address at telephone number.”

“Maraming salamat po sa pagbasa nito sa akin.”

“Huwag mo nang bayaran yung mami, libre ko na lang sa’yo iyan. Nakakaantig naman.”

Nginitian ko na lamang siya at muling nagpasalamat.

Naubos ko na ang dalawang mangkok ng mami. Hindi ko alam kung bakit ako napatingin sa puwitan ng mangkok, ngunit nang basahin ko ang nakasulat, muli akong napangiti. Ito rin pala’y made in China.

1 comment:

Sonny Crestfort said...

Hi, si Sonny po ito. Thanks sa pag-edit ng story, sobrang laki ng improvement pati ako napanganga sa magandang pagbabago ng story :>

Maraming salamat nga pala sa chance na mapasama ako sa chosen 6 ng Imagginacion. More powers and more powers din sa mga sentinels!
=3