By Manilyn Managbanag
Tik-tak! Tik-tak! Tik-tak!
Umaga na naman. Umpisa na naman ng panibagong araw na kung minsa’y ayaw ko nang harapin. Bumangon ako sa aking pagkakahiga at humarap sa salamin. Isang binibini ang tumambad sa aking paningin. Hindi na bago sa aking paningin ang kanyang itsura. Mukha siyang masaya, pero isang bagay ang kumuha ng aking pansin: iba ang sinasabi ng kaniyang mga mata. Tila may nais itong ipahiwatig na hindi ko maunawaan.
Matapos humarap sa salamin ay ipinagpatuloy ko ang mga bagay na nakasanayan kong gawin sa tuwing may pasok. Lunes nga pala ngayon. Hindi ako dapat mahuli dahil unang araw ng linggo ngayon. Naligo ako at nagbihis. Kinain ko ang nakahandang pagkain sa mesa at naghanda na para sa aking pag-alis.
Tumungo ako sa kwarto ni Mama. Gaya ng dati, hindi ko na naman siya naabutan. Hindi na bale, sanay na naman ako.
Nang ako’y malapit na sa tarangkahan ng aming eskwelahan ay nakita ko ang aking mga kaklase na nag-uumpukan. Mukha silang nasisiyahan.
“Uy, congrats ha! Alam mo na ba?” bungad ng isa.
“Ang alin?” malaki kong pagtataka.
“Ikaw ang napiling kinatawan ng paaralan para sa tagisan ng talino,” sabi ng isa.
Natuwa rin ako, ngunit napawi rin agad. Naisip ko, matutuwa kaya ang Mama ko?
Nanabik ako sa aking pag-uwi dahil alam kong magandang balita ang aking dala-dala. Pagpasok ko sa may pintuan ay naroon na si mama, nakahiga sa sofa.
“Ma, good news! Napili ako sa…”
“Punyeta! Istorbo kang bata ka! Alam mong pagod ako tapos heto ka’t nanggigising! Lumayas ka nga sa harapan ko!”
At hindi na ako nakaimik pa. Dumiretso na lamang ako sa aking kwarto at baka sakaling matuwa pa si Princess, na lagi kong kaharap at kausap. Akala ko kasi matutuwa si Mama. Bakit ba kasi hindi pa ako nadala? Ilang beses na ring nangyari ito.
Siguro, tanging si Papa lamang talaga makapagpapasaya sa kanya dahil simula nang mawala siya ay hindi ko na nakakausap si Mama nang mahinahon. Lagi niya akong sinisigawan at sinasaktan. Naiisip ko tuloy, kasalanan ko ba talaga?
Kung hindi ako nagkakamali, hapon noon. Sa may terrace, naglalaro kami ni Princess, ang manyikang regalo sa akin ni Papa. Kaarawan ko noong araw na yon. Sa sobrang likot ko ay nahulog si Princess mula sa ikalawang palapag ng aming tahanan. Nagpagulong-gulong siya hanggang sa umabot sa gitna ng kalsada. Dali-dali namang bumaba at lumabas si Papa upang pulutin si Princess. Hindi sinasadya na may rumaragasang sasakyan na nakahagip sa kanya.
Kitang-kita ng dalawa kong mga mata ang buong pangyayari. Duguan si Princess habang si Papa naman, wala nang buhay. Sumisigaw si Mama at humihingi ng tulong; habang ako, tahimik na lumuluha sa aking kinalalagyan na tila nagulat sa bilis at lupit ng pangyayari.
Lumipas ang isang linggo. Araw na ng paligsahan. Mas kabado pa ata ang aking mga kaklase. Ang daming tao pero hindi ko nakita si Mama sa kanila. Hindi na yata talaga siya darating. Natatpos ang paligsahan nang naaayon sa lahat. Naipanalo ko ito. Tuwang-tuwa sila. Naisip ko tuloy, matutuwa kaya ang Mama ko?
Pagpasok ko sa aming bahay ay naroon na si mama, nakahiga sa sofa. Hindi ko na siya muli pang inistorbo. Ayoko nang maulit pa ang nangyari noong nakaraan. Dumiretso na lamang ako sa aking kwarto. Naisip ko tuloy, hanggang kailan kaya kami ganito?
Tik-tak! Tik-tak! Tik-tak!
Umaga na naman. Umpisa na naman ng panibagong araw na kung minsa’y ayaw ko nang harapin. Bumangon ako sa aking pagkakahiga at humarap sa salamin. Isang binibini ang tumambad sa aking paningin. Nakita ko sa kanyang mga mata ang kalungkutan at pighati. Sino na lang magpupuno sa mga pagkukulang ng kanyang ina? Bumuhos ang kanyang luha at muling tumingin sa salamin. Ang binibining ito nga pala ay ako.
No comments:
Post a Comment