Sine

By Bernard John Abraham

“Boss, service?”

Nilapitan ni Erwin ang lalaking kapapasok lang. Hindi ito sumagot at mukhang hindi rin siya napansin. Nilagpasan siya nito at nagtungo sa balcony at doon naupo. Sinundan niya ito. “Boss, service?” bulong muli ni Erwin, sa tinig niyang higit na kaakit-akit ngayon.

“Ano’ng pangalan mo?” tanong niya sa mama habang hinihimas ang balikat nito. Hindi naman pupunta ito dito para manood ng sine, dahil kung ganoon, dapat sana’y nasa SM siya kung saan mas matino ang sinehan. At wala pa ni isa ang pumasok dito para lang manood ng palabas. Iba ang dahilan ng mamang ito, at alam ni Erwin kung ano ‘yon.

Sa wakas, sumagot din ang lalaking nakaupo. “Magkano?”

Maya-maya pa, dalawang anino ang nilamon ng kadiliman sa likuran ng sinehan.

“Kuya! Kuya!”

Kakapikit pa lang ng mga mata ni Erwin. Naisip niyang maidlip lang sandali bago maghain ng almusal para sa mga kapatid. Isang balot na tasty bread at spaghetti galing karinderiya sa kanto ang uwi niya. Medyo nakarami siya kagabi at malaki-laki ang kinita niya kaya’t sulit na rin ang pagod. Mga ilang minuto marahil nang mapanaginipan niya na ginigising siya ni Biboy at parang natataranta ito.

“KUYA!!!”

Napabalikwas ng bangon si Erwin. Hindi pala panaginip ‘yon. “Ano ba yun, Biboy?” Garalgal ang boses niya. Gaano ba siya katagal nakatulog?

Humahangos si Biboy, akala mo’y hinabol ng sampung demonyo. “Si Nanang! Inaatake na naman!”

“Kunin mo yung mga gamot niya, dali! Nandu’n sa ibabaw ng tokador,” dali-daling utos ni Erwin habang siya nama’y kumuha ng isang basong tubig. Agad niya itong itinakbo sa hinihigaan ng matanda na nakahukot ang katawan sa pag-ubo.

“Nang, gamot n’yo ho,” inabot niya ang tabletas habang hinahaplos ang likod ng matanda.

“Ano’ng oras ka dumating? Kumain ka na ba?” tanong ni Nanang Conching nang medyo maibsan ang pag-ubo niya.

“Shhh… ‘wag nyo ‘kong alalahanin Nang, ayos lang ako. Magpahinga na kayo,” sabi ni Erwin habang tinutulungang humiga ang lola niya.

“Malaki-laking halaga pa ang kailangan para maipagamot ang Nanang,” pagmumuni ni Erwin habang inihahanda ang hapag-kainan. Hindi pa sapat ang naiipon niya para doon. Wala naman siyang magagawa. Kahit nasusulasok na siya sa ginagawa niya, kahit dapang-dapa na ang pagkatao niya, wala siyang ibang alam na trabaho na makakapagbigay ng malaking halaga nang mabilisan. Bukod pa roon, nag-aaral pa sina Biboy at Marie. Marami siyang pangarap para sa mga kapatid niya, at ayaw niyang matulad ang mga ito sa kanya na hindi man lang nakapagtapos ng high school. Alam niya ang hirap ng buhay ng walang hawak na diploma, ng walang natapos. Kaya kahit hindi niya ginusto, pikit-mata niyang pinasok ang mundong ito.

“‘Tol, hindi kakayanin ng pagsisikyu mo ang pagpapagamot diyan sa Nanang mo.”

Hinila ni Marco ang nakasabit na lighter sa may bintana ng tindahan at sinindihan ang sigarilyo niya. “Magha-hayskul na rin si Biboy, mas mahal na ang mga gastusin niyan.”

“Alam ko pare,” inubos ni Erwin ang iniinom niya at itinapon ang lalagyan nito sa basurahan, “kaya nga naghahanap pa ‘ko ng pwedeng sideline e. Baka naman may alam kang pwede kong maging raket?”

Tinignan siya ni Marco mula ulo hanggang paa. Maganda ang hubog ng katawan nito. May itsura rin naman. Pasado ‘to. Napangiti si Marco sa pumasok sa isip niya.

“‘Tol, sama ka sa’kin, ire-refer kita sa pinapasukan ko. Tanggap ka dun! Ako’ng bahala.”

“Saan ‘yan?”

“Diyan lang sa Quiapo.”

Mahilo-hilong tumakbo si Erwin sa mabahong palikuran, tumapat sa inudoro at dumuwal.

“Masasanay ka rin,” sumandal si Marco sa may pader habang humihithit ng sigarilyo niya. Sinundan pala siya nito. “Ganyan talaga sa umpisa, pero pagtagal, masasanay ka rin.”

Tagaktak ang pawis sa noo ni Erwin. “Pare… hindi ko kaya ‘to,” humihingal niyang sinabi.

“E ano’ng gusto mo?” medyo pasigaw ang boses ni Marco. “Panooring umuubo ng dugo ang Nanang mo? Panooring nandidilat sa gutom ang mga kapatid mo? Panoorin silang isa-isang nangangamatay sa harap mo?” Tinapon ni Marco ang upos sa timbang may tubig.

“Huwag kang gago, Erwin! Ito na ang pinakamadaling paraan para kumita ka ng malaki-laki. Yung kinikita mo sa isang buwan sa pagsi-sekyu, kikitain mo ng isang gabi lang dito. Pera ‘to ‘tol, pera!”

Hindi nakakibo si Erwin. Hindi niya maitatanggi ang katotohanan sa mga sinabi ni Marco. Wala siyang magagawa kundi gustuhin ‘to. Kailangan, kahit duming-dumi siya sa sarili niya.

“Masasanay ka rin,” sabi ni Marco habang tinatapik siya sa balikat.

“Masasanay din ako,” pagpapaniwala ni Erwin sa sarili.

Minsan, nadatnan ni Erwin na nagkukumpulan ang mga kapitbahay sa harap ng dampa nila. Wari mo’y nagtsitsismisan ng ganito kaaga. Pero napuna niya sa mga mukha nito ang halu-halong ekspresyon ng pagkaawa, pag-aalala, at pakikiramay.

“Sinugod nina Pedring sa ospital ang Nanang mo,” inaalo ni Aling Irma ang humihikbing si Marie. “Inatake na naman yata kagabi. Nagsisigaw si Biboy, humihingi ng tulong. Umuubo na raw ng dugo.”

“Boss, service?”

Naglaro ang mga daliri ni Erwin sa dibdib ng lalaki na nakuha niya. Mahirap magkakitaan kahit may liwanang na nanggagaling sa tabing. Pakiramdaman lang lahat. Kamay ang gagabay sa kanila. Kamay ang magsisilbing mata nila sa dilim.

“Nag-perform na kami ng initial tests: X-ray, lab tests, CT scan…”

Naglaro sa isip ang mga salitang sinabi ng doktor nang puntahan niya ang Nanang Conching sa ospital. Paulit-ulit na parang sirang plaka. Parang panaginip, parang galing sa kabilang dulo ng isang lagusan. Mahina. Malayo.

“…Bronchriectasis. I suggest na –confine muna siya dito for further tests…”

Nakapa ni Erwin ang butones ng pantalon ng lalaki at binuksan niya ito habang humahagod ang kanyang labi sa dibdib nito. Naramdaman niya ang mainit nitong hininga na dumadampi sa kanyang noo.

“…medyo hirap ang paghinga niya at napansin ko ding bumaba na ang kanyang timbang…”

Sumandal si Erwin sa upuan ng sinehan habang hinahalikan siya ng mama sa leeg pababa sa dibdib niya. Impit siyang umungol ngunit peke lamang ito. Mga natutuhan niya sa trabaho: ang papaniwalain ang kostumer na nasasarapan ka sa nagaganap, na gustong-gusto mong ibigay ang pinunta nila -- ang langit sa loob ng madilim at maduming impyerno sa kalagitnaan ng Quiapo.

“…may kasamang dugo na rin kapag umuubo siya. We suspect na nasa advanced stage na yung sakitn iya, baka kailangan niya na operahan or I-transfer ng ospital for a transplant…”

Pinaluhod siya ng lalaki sa harapan nito. Scripted na ‘to, alam na niya ang susunod na mangyayari. Natatawa siya sa sarili niya kapag naiisip niya ang mga unang araw niya sa ganitong “trabaho.” Tama si Marco, nasanay na rin siya, at natutuhang gustuhin habang kinasusuklaman ang ginagawa niya. Pero mas natatawa siya kapag naiisip niya kung paano naglaro ang kapalaran sa kanya. Kahit hindi mo gusto, isusubo mo pa rin ang inihain sa ‘yo, lalo na’t wala ka sa posisyon para mamili.

May dinukot ang mama sa likuran ng pantalon nito. Kumikinang ang bagay na iyon nang madaplisan ng liwanag na nagmumula sa tabing. Ngunit bago pa mapagtanto ni Erwin kung ano iyon, bumulusok na ito sa kaniyang dibdib. Wala siyang naramdaman maliban sa tila mabigat na nakatarak sa mga buto niya. Marahil dahil na rin sa gulat, o dahil sadyang matagal na siyang manhid. Sumagi sa isip niya sina Biboy at Marie, pati ang Nanang Conching niya. Napangiti siya. Naglalaro ang kapalaran, Nanang. Nakakatawa, nakakainis, pero wala tayong magagawa kundi ang makipaglaro dito.

Dama ni Erwin ang ginaw ng sahig na humahalik sa kanyang mukha, habang unti-unting naglalaho ang liwanag sa loob ng sinehan. Tapos na ang palabas at oras na para umuwi.

No comments: