Manatiling Nakatayo

By Karen Derilo

Ang buhay ng tao ay sadyang masalimuot. Kung minsan ay hindi mo na alam kung saan ka patungo. Masyadong maraming hamon na sa iyo’y naghihintay at hindi mo mo na mabilang ang mga pagsubok na nagdaraan at hinahanap mo marahil kung ang pag-asa’y nasaan.

Maraming beses mo nang ninais na sumuko at sabihin sa sarilin na hindi mo na kayang tumayo. Mga problema sa pamilya, sa kaibigan, sa opisina, at higit sa lahat, sa iyong sarili -- na tila ba lahat ay nais mo nang bitiwan at pakawalang dagli.

Ngunit ano ba sa tingin mo ang kahahantungan ng lahat? Kung sakaling talikuran mo ang kapalarang naghihintay, mapapawi ba ang hapdi at sakit kung iiwan mo na lang ito nang basta at kalilimutan? Kapag nadapa ka ba’y di ka na muling babangon at tuluyan nang matatakot at mawawalan ng pag-asa?

Ang tunay na pagkatalo ay ang pagsuko nang hindi lumalaban. Lahat ng tao’y nagdaraan sa masukal na gubat. Iba’t iba man ang itsura ay halos pare-pareho lang ang mithiin at kalalagyan: ang pagiging matapang at matatag. Hindi ito nasusukat sa lakas ng bisig upang makapanakit, at lalong hindi sa talinong ginagamit upang makapanlamang kundi sa pagharap sa pagsubok nang may katatagan at sa pagpapatuloy sa buhay nang hindi nawawalan ng pag-asa.

Ang Maykapal higit kaninuman ang nakakaalam ng kapalaran ng tao. Siya ang nagbibigay ng hamon upang masukat kung hanggang kailan ka mananatiling nakatayo. Kailanman ay hindi ka dapat mawalan ng pag-asa sapagkat Siya ay nasa puso mo lamang parati -- gumagabay at nananatiling nananalig na kaya mong malampasan iyan.

Parati mong iisiping hindi lang ikaw ang nagdurusa sapagkat bawat tao’y may pagsubok ring dala na nilaan ng Maykapal upang mas lalong tumatag at tumibay ang bawat isa. Walang ibibigay ang Diyos na hindi kaya ng iyong lakas at abilidad dahil noon pa ma’y nakaguhit na ito sa iyong mga palad.

No comments: