Eroplano

By Klaris Chua

Hindi ko nalilimutang tumingala
Sa tuwing maririnig ko ang ugong
Na nagmumula sa himpapawid
Kung saan ka pumapaimbulog

Kahanga-hanga ka,
Malayo na ang iyong narating
Iba’t iba ang nakasalamuha
Sa iba't ibang lupain

Kailan kaya kita malalapitan?
Nangangamba ako sa aking kapalaran
Baka ito’y hanggang pangarap na lamang
Na wala rin namang katuparan

Kailan mo ba ako isasama?
Makalipad din kaya ako
O mananatiling nakalapag sa lupa
Humahangos, humahabol sa’yo

Ngunit alam kong may mga araw
Na minsan ika’y bumababa’t nasisira
At balang-araw malalaspag ka rin
Papabayaan hanggang sa maluma

No comments: